Sabado, Setyembre 9, 2017

Mga Tradisyunal na Kagamitan sa Pagtuturo


Sa panahon natin ngayon naging palasak na ang pag-usbong ng iba’t ibang teknolohiya na kung saan isa na ito sa pangangailangan ng mga guro sa paaralan upang maging kasangga o  kapartner sa pagtuturo at maging ang mga estudyante ay nagiging katulong nila ito sa pagkakatuto. Mga teknolohiya na nakakatulong upang mas mapadali ang gawain ng guro ngunit ang tanong, paano naman sa mabubundok na lugar o sa tinatawag nilang rural na mga lugar? Hanggang ngayon o sa kasalukuyan, may mga mabubundok o probinsya na wala pang kuryente at mga teknolohiya na ginagamit ng mga guro at estudyante. Alam naman nating lahat na ang teknolohiya ay nakakatulong upang mas matututo ng mabilis ang estudyante at sa tulong na rin ng teknolohiya ay mas magiging epektibo ang pagtuturo ng isang guro. Datapwa’t hindi naman ito isa sa dahilan o hadlang ng guro sa kanyang pagtuturo at sa pagkatuto ng estudyante dahil kahit na walang teknolohiya na kasali sa talakayan ay may matututunan pa rin ang estudyante gamit ang tradisyunal na kagamitan kagaya ng yeso, kartolina, manila paper, pahayagan, aklat, tsart, larawan, diyaryo, diksyunaryo, mga ilustrasyon at iba pa. Hindi naman natin maikaila na ang teknolohiya ay kaakibat na ng ating pang-araw-araw na gawain dahil mas mapapadali nito ang gawain o ang talakayan ng isang guro ngunit sa mga guro na nakadestino sa malalayong lugar na walang teknolohiya, kuryente at iba pa, pwedi naman nilang pagkukunan ng impormasyon ang libro o di kaya’y ang mga diyaryo, diksyunaryo at iba pa. At sa mga guro naman, pwede naman nilang gamitin ang likod ng kalendaryo na hindi na ginagamit o kartolina at manila paper upang gamitin sa kanyang talakayan sapagkat ang layunin o puntirya naman ng guro ay upang maturuan ang kanyang estudyante at may matutunan sa talakayan.



Noong ako ay nasa sekondarya pa lamang, may kompyuter naman ngunit kulang ito sa
dami naming mga-aaral dahil labing lima lamang yong kompyuter na meron yong paaralan namin. Ang ginawa ng aming guro ay inoorasan nalang kami upang lahat ay makakagamit. Hindi ka masyadong matututo sapagkat kulang ang oras na ibinibigay ng aming guro kaya pagtungtung ko sa kolehiyo ay doon ko na nahasa ang paggamit ng kompyuter dahil kailangan eh. Ngunit kahit kulang yong kompyuter na meron kami, nagpapasalamat naman ako dahil yong iba ngang paaralan ay walang-wala. Napakaswerte na namin dahil may labing lima kaming kompyuter. Sa antas ng pagtuturo naman ng guro, yeso lang talaga ang kadalasang ginagamit ng aming guro at libro naman ang pangunahing pinagkukunan ng impormasyon. Wala pang power point kaya’t masasabi ko na nakakabagot kung puro salita ang talakayan ng isang guro. Hindi katulad ngayon na mas nagiging kapana-panabik na ang talakayan ng guro dahil may power point na ginagamit.


Bilang guro sa hinaharap, kinakailangan na maging malikhain tayo sa ating talakayan at sa pagpili ng ating magiging kagamitan sa pagtuturo lalong lalo na kung ikaw ay madedestino sa malalayong lugar o sa mabubundok na lugar na walang mga teknolohiya at tanging ang magagamit mo lang ay ang tradisyunal na kagamitan. Ang mahalaga ay pinili mo at ginamit ng wasto ang tradisyunal na mayroon ka na nakakatulong sa pagpapaunlad ng kaalaman ng iyong estudyante. Lagi nating tatandaan na bilang guro sa hinaharap, hindi tayo aasa na lamang sa mga teknolohiya. Kailangang isa-isip natin at isa-puso na ang teknolohiya ay kapartner lamang sa pagtuturo at hindi kaya nitong palitan ang guro.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento